Nilooban ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang BLISS Elementary School sa Lungsod ng Ilagan kung saan tinangay ang 11 tablet na ginagamit ng mga estudyante para sa kanilang mga pag-aaral.
Ang naturang tablet ay nagkakahalaga ng P10,895 ang bawat isa at sa kabuuan ay nasa P119,845 ang halaga nito na ipinagkaloob sa kanila ng SDO Ilagan City.
Sa ekslusibong panayam ng Brigada News Team kay Maricel Baccay, ang Administrative Officer – Property Custodian ng Bliss Elementary School, nagpunta aniya sila kahapon sa eskwelahan kasama ang isang volunteer nang tumambad sa kanila ang magulo at makalat na Principal’s Office.
Dito ay natagpuan nila ang bukas na cabinet at mga kahon ng tablet na wala ng mga laman.
Nakipag-ugnayan na rin ang eskwelahan sa PNP Ilagan City at SDO Ilagan hinggil sa insidente at patuloy na tumatakbo ang imbestigasyon.
Wala ring nakasaksi sa insidente dahil walang security guard ang eskwelahan.
Sa ngayon ay naglagay na sila ng CCTV Camera na kanilang pinag-ambagan upang kahit paano ay mayroon silang bantay dahil hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng nakawan sa naturang eskwelahan.
Ayon pa kay Baccay, hindi pa nila pinapa-block sa NTC ang mga tablets dahil umaasa pa sila na maibabalik ang mga gadgets upang may magamit ang mga estudyante.
Umaapela naman ang mga ito sa publiko na mangyaring ipag-bigay alam sa kanila kung sakaling makakita o may magbenta ng mga tablet na mula sa DepEd.