Pinaigting pa ng mga law enforcement agencies sa Cordillera Administrative Region ang seguridad sa tatlong nayon sa Kalinga dahil sa posibleng karahasan sa pulitika habang papalapit ang barangay at sk election.
Uumpisahan na sa August 28, 2023 ang paghahain ng certificate of candidacy at pagpapatupad ng gun ban gayundin ang pagtatayo ng PNP-AFP-Comelec checkpoint.
Kabilang sa mga tinalakay sa Joint Regional Security Control Center Command ay ang election areas of concern kung saan natukoy ang Mabongtot, Upper Uma, at Western Uma sa Lubuagan, Kalinga bilang red category.
Ito ay dahil sa historical experience nito sa karahasan kaugnay sa halalan at matinding tunggalian sa pulitika, kabilang ang mga communist terrorist na grupo.
Samantala, isinailalim sa yellow category ang 13 barangay sa siyam na munisipalidad ng Abra dahil sa history ng lugar sa kaguluhan sa pulitika.
Bilang pagpapaigting sa anti-criminality operations laban sa loose firearms, private armed groups (PAGs), at guns-for-hire ay ide-deploy ang mahigit 4,000 na personnel ng Police Regional Office- Cordillera.
Sa kabila nito umaasa naman si COMELEC-Cordillera Regional Director Atty. Julius Torres na magiging maayos ang assessment sa peace and order sa buong rehiyon.