Aabot sa tatlumpu’t limang katao ang lumahok sa 2-day Operator’s Training sa bagong tayong Rattan Processing Center Facility sa Cabiseria 10, Ilagan City, Isabela.
Ayon sa Department of Trade Industry Isabela, sa nasabing pagsasanay ay natuto ang mga trainees na magpaandar ng equipment, magproseso ng rattan at gumawa ng produkto mula rito.
Ipinaliwanag ni Madelyn Bulan, isang furniture shop owner sa mga lumahok ang mga bagay tungkol sa pasilidad ng treatment vat, Fabricated Rattan Pole Steamer Gas Fired equipment, at fabricated rattan pole bending jigs sa unang araw ng pagsasanay.
Pinangunahan ni Assistant Environment and Natural Resources Officer Rosemarie Zabala ang ikalawang araw ng training kung saan iprinisinta ng mga kalahok ang kanilang mga output kaalaman sa equipment operation.
Nang matapos ang pagsasanay, nakagawa ang mga lalaking kalahok ng dalawang rattan chairs at tatlong hardwood tables habang ang mga babaeng kalahok naman ay nagdisenyo ng indibidwal na punda ng unan.
Nagsilbing facilitators ang Unit Heads and Staff ng Provincial General Services Office, Environment and Natural Resources Office, at Provincial Engineering Office of the Provincial Government of Isabela.
Ang Shared Service Facility Rattan Processing Operators Training ay nakahanay sa kasunduan ng DTI Isabela at ng Provincial Government of Isabela.