Nagpapagaling ngayon sa pagamutan ang isang magsasakang biktima ng pamamaril kahapon sa Purok 6, Barangay Baculod, Cauayan City, Isabela.
Sa eksklusibong panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Samuel Benigno ang ama ng biktimang si Marvin Benigno, 34-anyos, hindi umano nila alam ang posibleng motibo ng suspek sa pamamaril sa kaniyang anak dahil wala naman itong nakaaway o nakaalitan.
Aniya, nagtungo sa tindahan ang kaniyang anak sakay ang kolong-kolong dakong alas singko ng hapon upang bumili ng yelo at itlog at nang pauwi na ito ay dito na siya pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek na nakasakay sa isang single motorcycle.
Kaugnay dito, batay umano sa salaysay ng biktima ay isang white XRM ang sakay ng suspek na naka-jacket ng kulay blue at naka-helmet.
Nagtamo ng limang tama ng bala ng baril ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Sa ngayon, nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station hinggil sa naturang insidente.