Umapela si Senadora Risa Hontiveros sa incoming economic team ng Marcos Administrasyon na magkaroon na ng malinaw na direktiba hinggil sa work setup ng mga empleyado sa ilalim ng BPO sector.
Ito ang ginawang pahayag ni Hontiveros sa gitna ng isyu tungkol sa ipinatutupad na ‘work-from-home’ arrangement ng BPO employees.
Ipiangutos na kasi ng ilang mga kumpanya na magbalik na sa ‘on-site work’ ang kanilang mga empleyado matapos ibaba ang alert level status sa ilang mga lugar sa Pilipinas.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na bago pa raw mailuklok ang bagong economic managers ni President-elect Bongbong Marcos, kinakailangang mayroon na itong malinaw na direktiba pagdating sa IT-BPM sector.
Giit ni Hontiveros, malaki ang ambag ng mga foreign investors na ito sa ating ekonomiya – at gayundin sa pagbibigay ng libo-libong trabaho sa mga Pilipino.
Hindi raw dapat kalimutang sa nakalipas na dalawang taon ng pandemya, BPO sector ang nakapag-generate ng mga trabaho sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng work-from-home arrangement.
Suportado rin ni Hontiveros na ipagpatuloy ang work-from-home setup dahil productive din naman ang mga BPO employees sa kanilang pagta-trabaho sa kanilang mga bahay.
Malaki rin aniya ang matitipid ng mga ito sa pang-araw-araw.
#