Mariing kinondena ng Office of the Vice President (OVP) ang mga kumakalat na umano’y ‘fake news’ hinggil sa kanyang pagre-relax sa beach na nasa Calaguas Island, Camarines Norte.
Sa isang pahayag, isinisi ng OVP ang mga litrato sa pekeng media releases para lamang sa clickbait at upang kumita.
Nilinaw din nito na hindi totoong nasa beach si VP Sara kahapon sa kasagsagan ng plenary debates sa Kamara para sa proposed budget ng kanyang opisina.
Nakisalamuha umano si Duterte sa mamamayan ng Vinzons at Daet sa Camarines Norte at Legazpi City sa Albay.
Iginiit ng OVP na madali namang kumpirmahin ang aktibidad ng bise-presidente sa social media posts ng mga residente sa nabanggit na lugar.
Buwelta pa ng OVP sa media, sinisira umano ang reputasyon ng pangalawang pangulo sa pamamagitan ng paglalathala ng storya na nasa beach ito kaya dapat na maging mapagmatyag ang publiko.