SORSOGON CITY- Tiktok challenge ang naisip na pakulo ng lokal na pamahalaan ng Gubat upang hikayatin ang mga mamamayan sa nasabing bayan na patuloy na makiisa sa pagpaparehistro.
Ayon sa LGU Gubat Public Information Office, ang paligsahan ay bukas sa lahat ng mga Gubatnon na may edad 15-30 taong gulang habang ang bawat grupo naman ay kailangang mayroong 2 hanggang 5 miyembro.
Gagawa ng kanilang sariling dance steps ang mga kasali gamit ang musikang likha ni KZ Tandingan na may pamagat na “Love Kita Pinas” kung saan dapat ay hindi ito lalagpas ng isang minuto.
Diskarte din ng mga lalahok ang costume na kanilang gagamitin at upang manalo bawat entries ay dapat na may mensaheng naghihikayat sa mga hindi pa rehistradong Gubatnon na magparehistro na sa COMELEC.
Ang cut-off ng mga entry ay sa Agosto 20, 2021 (Biyernes) habang ang pagbibilang ng reaksyon ng social media ay hanggang Agosto 30, 2021 (Martes) hatinggabi.
Ang epekto ng social media ay bubuo ng 20% ng kabuuang iskor. Ang iba pang 80% ay hahatulan batay sa mga sumusunod na pamantayan: Choreography 30%; Uniqueness & Creativity 20%; Relevance to the theme/ message 20% at Costume & Props 10%.
Ang anunsyo ng mga magwawagi ay sa August 31, 2021 (Miyerkules) at ito ay ipo-post sa LGU Gubat, Sorsogon page.
Ang mga magwawagi ng ‘’Love Kita Pinas: Ang Voter’s registration Tiktok Dance Competition’’ ay makakatanggap ng mga sumusunod na gantimpala: 1st Prize – P 4,000.00 / 2nd Prize – P 3,000.00 / 3rd Prize – P 2,000.00 at People’s Choice – P 1,000.00.

