BICOL—Binigyang diin ni Albay first district representative Edcel Lagman na hindi na kailangan ang pagpasa ng panibagong batas upang mapalawig ang voter’s registration.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi sa Bicolanong kongresista, inihayag nitong mayroon nang umiiral na probisyon ang batas hinggil dito salig sa kanyang iniakdang R.A 8189 o “The Voter’s Registration Act of 1996”.
Sa Section 8 ng nasabing batas ay nakapaloob ang continuing registration of voters kung saan nakasaad na ang huling araw ng pagpaparehistro ay itinakda hanggang 120 araw o apat na buwan bago ang halalan.
At dahil sa May 9, 2022 pa ang halalan ay pwede pa umanong palawigin ang pagpaparehistro ng mga botante hanggang sa Enero 9, 2022.
Pagbibigay diin ni Lagman, ito ay maliwanag, existing at valid. Wala rin anyang karapatan ang Comelec na tumanggi kung kailangan pang palawigin ang registration nang higit sa Setyembre 30 dahil ito ang nakasaad sa batas.
Kahapon, sa botong 23-0 ay naipasa at naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2408 o “An Act Extending the Registration of Voters for the 2022 National and Local Elections habang for adoption naman ang bersyon ng kongreso dito sa ilalim ng naipasang House Bill 10261.
Dahil dito ay papaliwgin ang voter registration ng karagdagang 30 days matapos na maaprubahan ang panukala.
Ayon kay Lagman, bagamat isa siya sa mga bumoto pabor sa House Bill dahil nakikita niya umano ang pangangailangan na mapalawig pa ang registration pero nanindigan ang kongresista na pwede itong palawigin kahit wala ang inaprubahang bagong batas.### || slm, with reports from Brigada News FM Legazpi