Itutuloy ang pagdeklara ng persona non grata sa mga vlogger na umano’y nambastos sa isang tauhan ng munisipyo ng Coron, Palawan, ayon kay SB Member John Patrick “Pat” Matta.
Ito ay kahit na nag-public apology na ang ‘TEAM MALAKAS’ kagabi.
Sabi ng opisyal, nangyari na ang nangyari, pero hindi na magbabago ang pasya ni SB Matta kaya itutulak niya raw na maaprubahan ang panukala tungkol dito.
Partikular na nais i-persona non-grata, ‘o hindi welcome sa munisipyo, ay sina Rendon Labador, Rosemarie Tan Pamulaklakin at Marki Tan.
Idinagdag ng opisyal na may mga kababayan na tumutulak sa kanila para gawin ito at iyon ang dapat nilang paninidigan.
Samantala, ayaw nang magkumento ni SB Matta sa paghingi ng tawad ng mga vlogger.
Kung maaalala, unang nag-viral ang video kung saan ay dinuru-duro nila ang isang staff ng munisipyo ng Coron matapos itong mag-post ng komento sa ginawang pamimigay ng regalo ng team sa mga taga- Coron noong nakaraang Linggo.
Sa video, maririnig na sinabi ni Rosemarie na tanging P3,000 lang daw ang nabigay nila dahil ito na raw ang kanilang ‘last money’. (with reports from CJ ANDRES – 103.1 BNFM PALAWAN)