Tinalakay ni Committee on Ways and Means chairperson Senator Win Gatchalian sa naganap na Senate Hearing kahapon ang proposed Value-Added Tax (VAT) na balak ipataw sa mga digital transactions simula sa darating na taon hanggang 2028.

Naniniwala raw si Gatchalian na makatutulong ang pagpapataw ng VAT sa pag-angat ng ating national revenues na siyang bumagsak noong panahon ng pandemya.
Kung maipapasa raw kase ang 12 porsyento na VAT sa mga digital transactions, maaring kumita ng mahigit na P145 billion pesos na additional revenues ang gobyerno.
Ayon pa kay Finance Undersecretary Dakila Napao, kung nasa 50 porsyento raw ang susunod dito ay maari pa ring makakolekta ang gobyerno ng P77 bilyon.
Sa kabila nito, batid naman din daw ni Gatchalian na patuloy pa rin tayong naghihirap dala ng pandemya at pagtaas ng inflation rate sa mga nagdaang taon.
Ngunit, sa pamamagitan daw ng pagpataw ng tax sa mga digital transactions ay maari tayong makatulong sa pagsuporta ng mga priority program ng gobyerno.
Dagdag pa ni Gatchalian, magbibigay rin daw ito ng fair playing field sa pagitan ng physical transactions at online transactions.