Inilatag ng Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) Bicol ang kanilang mga updates tungkol sa bagyong Rolly na humagupit sa Bicol region dalawang taon na ang nakakalipas.
Sinabi ni Mary Ann Molina, regional director ng nasabing tanggapan, sa panayam ng Brigada News FM Legazpi, ang una nilang ginawa ay agad na nagsumite ng proposal na 121Mphp para sa abaca rehabilitation sa lalawigan ng Catanduanes.
Pagsapit naman ng taong 2021 sa buwan ng Enero ay muli umano silang nagpasa ng proposal na 222Mphp na saklaw ang buong rehiyon maliban sa Masbate, ngunit na-disqualify ito sa ilalim ng Department of Agriculture Quick Response Fund (DA QRF) guidelines.
Aniya, ang nakapaloob sana sa implementasyon ng nasabing proposal ay ang pagbibigay ng cash incentives o ang cash for work.
Sa ilalim umano ng iskemang ito ay ang mga magtatrabaho para sa manu-manong rehabilitasyon ay ang mismong mga magsasaka ng mga ito.
Noong Nobyembre 2021 naman ay naatasan siyang muling magsumite ng proposal para sa nakaraang bagyong Rolly na nagkakahalagang 110Mphp kung saan ang 70Mphp ay sa Catanduanes na na-itransfer na ng DA RFO 5 sa provincial government ng lalawigan; at ang 40Mphp naman na para sa Albay ay inaasahan na rin nilang maitransfer na. Ang nabanggit na budget ay kinabibilangan umano ng procurement ng mga planting materials, replanting procurements ng iba pang agri-inputs tulad ng fertilizers, at iba pa.