Uod na kayang kumain ng plastic, nadiskubre sa bansang Australia

Kasabay ng lumalaking populasyon ng mundo ang pagdami rin ng mga basurang itinatapon lalo na ang tone-toneladang plastic araw-araw.

Batay sa research, aabot sa 2.7 million na mga tonelada ng plastic ang itinatapon ng Pilipinas kada taon, hindi pa kabilang ang mula sa ibang mga bansa.

Dahil sa malawakang suliranin na ito sa plastic, patuloy ang panawagan ng mga eksperto na bawasan ang paggamit higit na ng mga ‘single use plastic’ habang ang iba naman ay nagpapatuloy rin sa pag diskubre ng iba pang mga pamamaraan upang masolusyunan ito.

Sa bansang Australia nadiskubre ang isang uri ng uod na kayang kumain at tunawin ang plastic.

Nadiskubre ito ng microbiologist na si Christian Rink at tinawag itong ‘Zophobas morio darkling beetle’ o superworm na kayang kumain ng Styrofoam o ng polystyrene na plastic.

Batay sakanilang obserbasyon at pag-aaral, ang mga naturang superworms ay parang ‘mini recycling plants’.

Una nilang dinudurog ang polystyrene sa pamamagitan ng kanilang bibig at kapag ito’y kanilang kinain, may kakayahan ang bacteria o enzyme na nasa loob ng kanilang tiyan na tunawain ito.

Ganunpaman, hindi ang pagpaparami ng naturang mga uod ang naisip na solusyon ng mga eksperto, kundi ang  pagtukoy sa partikular na enzyme na taglay ng superworms at pag-isip ng paraan kung paano makakapag produce nito.

Habang hinihintay ang tagumpay ng naturang pag-aaral at paggawa ng solusyon sa pamamagitan ng ‘Siyensya’, ang pagiging responsable ang susi sa problemang ito at hindi dapat i-asa sa munting uod ang solusyon na tao mismo ang may gawa.### KENNETH BERMIL, Intern