Bawat isa sa atin, may pangarap sa buhay at tayong lahat ay nagsusumikap upang makamit ito.
Kagaya ni Ivan Jeuz Paring mula sa Barangay Pinamucan Proper, Batangas City na hinirang bilang Top 3 sa katatapos lamang na 2023 Mechanical Engineer Licensure Examination.
Isa lamang si Ivan sa mahigit isang daang board passer mula sa University of Batangas.
Sa panayam ng Brigada Batangas kay Ivan, ibinahagi nito ang kanyang labis na kasiyahan matapos siyang makapasa at maging isa nang ganap na lisendyadong inhinyero.
Sa totoo lang daw, hindi siya makapaniwala sa naging resulta ng board exam.
Aniya, ang Panginoon, kanyang pamilya, mga kaibigan at mga kaklase at guro ang kanyang naging inspirasyon para maabot ang nasabing tagumpay.
Ipinunto naman niya na pagdating sa pag-aaral, hindi lamang talino ang sukatan.
Ibinahagi pa niya na noong nagrereview daw siya para sa board exam, itinuon niya ang kanyang sarili sa mga recreational activity at self-meditation.
Ito raw ay upang mabalanse nito ang kanyang physical, mental, emotional at spiritual na preparasyon para sa exam.
Nabatid na bukod kay Engr. Ivan, may apat pang topnotchers ang University of Batangas.
Top 6 si Engr. Lowell Mercado; Top 8 si Engr. Aaron Jemuel Baustista; Top 9 si Engr. Jestoni Abaja at Top 10 si Engr. Daryl Christian Rosales.
Mula sa Brigada News FM Batangas, Congratulations Engineers!