Arestado ang isang 18-anyos na binata matapos umanong mang-snatch ng pitaka at cellphone ng isang babae habang nasa daan sa Mabini Ave, Poblacion 4, Tanauan City, Batangas.
Kinilala ng Tanauan City Police Station ang suspek na si Charlie Morro, tubong Sorsogon at residente ng Brgy. Makiling, Calamba City, Laguna.
Ayon sa imbestigasyon, nakatayo umano sa gilid ng daan ang biktima na si Maria Nona Llarena Quiatchon ng biglang hinablot ng suspek ang pitaka nito saka kumaripas ng takbo.
Agad na nagsisigaw ang biktima para humingi ng tulong sa mga residente sa naturang lugar.
Nagkataon na nasa area ang mga nagpapatrolyang pulis kaya agad na hinabol ang suspek at ito ay naabutan sa tulong ng mga lokal na residente.
Narekober mula sa suspek ang wallet na naglalaman ng cellular phone at perang nagkakahalaga ng ₱2,050.00
Nasa kustodiya na ng Tanauan CPS ang nahuling suspek.