LEGAZPI CITY – Napaghinalaan lamang na ‘asset’ ang umano’y padre de pamilya na kasama sa tatlong bangkay na natagpuan sa bundok na bahagi ng Sitio Tagbac, Brgy. Macabugos, bayan ng Libon, Albay, kung saan Conception Criminal Gang ang tinuturong may kagagawan.
Ito ang nakalap na impormasyon ng Libon Municipal Police Station na itinuturong dahilan ng pagkakadukot dito kasama ang mga menor de edad na anak.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Chief of Police PCapt. Victor Borjal, sinabi niya, nasa edad 44 anyos ang ama, habang 11 at 10 anyos naman ang mga anak na kabilang sa mga natagpuan kung saan kalansay na ang mga ito nang madatnan.
Ayon kay Borjal, style ng grupo na hindi palampasin ang sinumang paghinalaan nila kahit walang balidasyon, mapabata man o matanda o kahit babae pa.
Samantala, ayon pa sakanya, ang mga narekober na bangkay ay isasailalim pa sa forensic study upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Kung babalikan, noong nakalipas na buwan ay naiulat sakanila ang tungkol sa nawawalang mga mag-aama na dinukot diumano ng Conception.
Kahapon, isinagawa ang paghanap at paggalugad sa lugar matapos na i-report sakanila na isang tanod ang nakatagpo sa mga bangkay.
Sa ngayon, nasa 100 katao pang mga nawawala ang pinaghahanap ng mga otoridad na pinaniniwalaang kinasasangkutang muli ng Concetion gang.