Umapela ang Ukraine sa United States na magsuplay ng makapangyarihang drones at anti-drone missiles, sa pag-asang babaliktarin ng Washington ang naunang rejection, sa harap ng dumaraming pagpapalipad ng kamikaze drones ng Russia at pang-aatake sa civilian infrastructure.
Mababatid na nasa pang siyam na buwan na ang invasion ng Moscow.
Sa kanyang liham, hiniling ni Ukrainian Defense Minister Oleksii Reznikov ang apat na MQ-1C Gray Eagle unmanned aerial systems o drones, at sa hiwalay pang dokumento ay humihiling din ito sa kauna-unahang pagkakataon ng counter-drone missile.
Ang drones na nagkakahalaga ng halos $10 million bawat isa, at ang counter-drone AGM-114L o LONGBOW ay magpapalakas umano sa civilian air defenses ng Ukraine at makakatulong na ma-counter ang tumataas na pag-gamit ng Russia ng Iranian-made kamikaze drones.

Matatandaan na ibinasura noon ng US ang hiling na drones ng Kyiv, dahil sa pangambang ito ay mapabagsak, at hindi umano mahalaga sa war effort ng naturang bansa, na maari lang magpalala sa kaguluhan.
Samantala, inamin naman ng Moscow na tina-target nila ang energy infrastructure pero itinangging target ang mga sibilyan. //MHEL PACIA