Nakatakdang tumanggap ang Pilipinas ng 415,000 doses ng COVID-19 vaccine mula sa British-Swedish firm na AstraZeneca bilang donasyon mula sa United Kingdom.
Sa isang pahayag ay sinabi ni British Foreign Secretary Dominic Raab na ang nasabing bilang ng AstraZeneca vaccines ay bahagi ng unang batch ng 100-million doses na kanilang ipadadala sa mga mahihirap na bansa sa buong mundo.

Iginiit niya sa isang pahayag na pinost ng British Embassy sa Manila na ginagawa nila ito para makatulong sa most vulnerable, at kinikilala nila na walang sinuman ang magiging ligtas hangga’t hindi nagiging ligtas ang lahat.
Ipinunto naman ng British embassy na nasa 9-million doses ng COVID-19 vaccines, kabilang na ang donasyon sa Pilipinas ay maipapadala ngayong linggo.
Matatandaan na sinabi ng mga dalubhasa na highly effective laban sa mas nakakahawang Delta variant ang dalawang doses ng AstraZeneca.