CAMARINES NORTE- Inihayag ng Provincial Health Office na hindi pa napapanahong pag usapan sa ngayon ang sinasabing transition sa endemic stage ng COVID- 19 sa bansa.
Sa gitna na rin ito ng mga ulat na pinag aaralan na ngayon ng ibang bansa na ituring na lamang na isang endemic disease ang COVID- 19 o ikunsiderang pangkaraniwang sakit.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na sa halip na ituon ang pansin sa bagay na ito ay mas nanaiisin umano niyang pag usapan ang higit pang pagpapaigting ng vaccination.
Paliwanag ni Francisco na kung ang lahat ng tao ay bakunado kontra COVID- 19 ay makakasigurong higit ang mga itong protektado.
Umapela rin si Francisco sa mga Lokal na Pamahalaan sa lalawigan na mababa pa ang vaccination coverage na paigtingin pa ang pagbabakuna.
Partikular na tinukoy nito ang Sta Elena at Paracale na mababa pa umano ang vaccination coverage pero hindi na ito nagbanggit ng datos.
Maliban sa mga munisipyo ay nagkakaroon din ng pagbabakuna sa Out Patient Department ng Camarines Norte Provincial Hospital katuwang ang vaccination team mula sa Bureau of Fire Protection at sa mga LGU naman ay ang Philippine national Police.
Aminado si Francisco na kailangan ding magpahinga paminsan- minsan ng mga vaccinators.
“Siguro magandang pag usapan natin, pano po natin tapusin itong pagbabakuna, kasi kung lahat po tayo ay bakunado, siguro kahit hindi na natin pag- uusapan yan, sapagkat ang ating mga kababayan naman ay fully vaccinated so yung proteksyon alam natin na mayron na,” ani Francisco.
“Kami naman dito sa Provincial Hospital, mga kasamahan ko dito ay nag aantay lang ng opportunity siyempre yung ating mga kasamahan sa kapulisan din naman ay nagpapahinga din naman minsan minsan ano, at sila na ang tumutulong dito sa atin sa pagbabakuna sa mga hindi nabakunahan doon sa mga munisipyo at dito sa Outpatient Department namin sila pumupunta.”
