NAGA CITY – Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagpapa-alala sa mga turista o mga bakasyunistang dumarayo sa bayan ng Caramoan, Camarines Sur, may mangilan-ngilan pa ring irresponsable pagdating sa pagtatapon ng basura.
Ito ang napag-alaman ng Brigada News FM Naga kay Tourism Officer Katherine Herrero.
Aniya, basta na lamang kasi itinatapon sa kabatuhan ng isla, minsan sa dagat o iniiwan na lang sa dalampasigan at sa mga resort lalo na ang mga plastic at mga plastic bottles; mahigpit itong ipinagbabawal at may penalidad pa.
Kaya maging mga tour guide lalo na sa mga bangka o mga mag-iisland hopping, may nakahandang lagayan ng basura na dapat na bitbit nila pagbalik.
Kaya naman muli itong nananawagan na sana maging responsable at isipin ng bawat turista ang kalinisan at pag-iingat sa kalikasan.
Maliban pa riyan, mahigpit ring ipinatutupad sa bayan ang waste segregation o obligadong paghiwahiwalayin ang mga basurang nabubulok sa hindi nabubulok.