NAGA CITY—Umabot sa 50 pamilya ang apektado ng naranasang pagbaha sa Barangay Sta. Maria habang nasira naman ang tulay o spillway na komokonekta sa dalawang Barangay sa Lagonoy, Camarines Sur bunsod ng naranasang pag-ulan noong nakaraang Biyernes.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Punong Barangay Olivia Oliver ng Sta. Maria, kinailangan pang isakay sa bucket ng backhoe ang isang pamilyang nirescue mula sa kanilang bubungan ng bahay matapos lamunin ng baha ang kanilang tinitirhan sa kasagsagan ng pag-ulan at pagtaas ng tubig sa Sta. Maria River.
Malapit kasi aniya ang kinatitirikan ng mga bahay ng mga apektadong pamilya sa naturang ilog kaya tuwing may bagyo o kahit malakas lang na pag-ulan ay kailangan silang lumikas.
Ayon sa Kapitan nasa 30-taon nang naninirahan sa lugar ang ilang pamilya na bagamat nasa danger zone ang lugar ay walang magagawa dahil wala pang mapaglilipatan o relocation area para sa kanila bagay na hanggang ngayon ay hinahanapan parin ng paraan ng Lokal na Pamahalaan.
Nakiusap naman ang opisyal sa mga naninirahan sa lugar na sumunod sa anumang anunsyo ng Barangay at LGU lalo na sa mga ganitong may sama ng panahon para hindi na maulit pa ang mga kahalintulad na senaryo.
Samantala, hindi naman madaanan ng mga residente ang spillway sa komokonekta sa Barangay Dahat at Barangay San Roque matapos masira bunsod ng malakas na ragasa ng tubig noong nakaraang Biyernes.
Sa ngayon dumadaan na lamang sa alternatibong ruta patungo sa kalapit na bayan ng Goa ang mga apektadong residente.