CAMARINES NORTE- Nagpatupad ang Philippine Coast Guard ng temporary suspension sa paglalayag ng mga bangkang 250 Gross Tons pababa epektibo simula kaninang umaga.
Batay ito sa ipinalabas na Notice to Mariners ni Camarines Norte Coast Guard Acting Station Commander LTJG Ronnie Rey Pabico dahil na rin sa nakabanderang gale warning sa Eastern seaboards ng Southern Luzon kasama na ang Camarines Norte.
Ito umano ay bilang proactive measures upang maiwasan ang mga maritime incident.
Sa sandaling mag- improve ang panahon at kundisyon ng karagatan ay papayagan ding maglayag ang mga sasakyang pandagat.
Ang mga bangkang nagnanais na magtago sa ligtas na lugar ay papayagan basta mayroon itong written request at wala dapat sakay na pasahaero at kargamento.
Ayon naman kay Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, Sub- station Commander ng Coast Guard Mercedes magpapatuloy ang biyahe ng pampasaherong bangka na naghahatid ng mga pasahero mula sa Fish port hanggang Manguisoc at vice versa.
Nasa loob naman daw kasi ito at ligtas pa ang pagbiyahe.
Noong mga nakaraan ay may pagkakataon na pinahihinto rin ang biyahe ng pampasaherong bangka sa naturang lugar kapag malakas ang ulan at hangin.
Patuloy namang nakakaranas ng paminsan- minsang pag ulan ang lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon sa Pagasa Daet Station asahan ang bahagya hanggang maulap na kalangitan at isolated rains sa Bicol.
