CAMARINES NORTE- Lifted na ang ipinatupad ng Philippine Coast Guard na temporary suspension sa paglalayag ng mga bangka sa karagatang sakop ng Camarines Norte.
Batay sa Notice to Mariners na ipinalabas ni LTJG Ronnie Rey Pabico, Acting Station Commander ng PCG sa Camarines Norte, epektibo alas 5 ng hapon, kahapon ay lifted na ang temporary suspension of trips sa lahat ng Fishing boats at motor banca at iba pang sasakyang pandagat.
Mababatid na unang nagpatupad ng temporary suspension ng biyahe ng mga bangka ang Coast Guard ilang araw bago dumaan sa lalawigan ang bagyong Paeng.
Gayunman, patuloy ang paalala ng Coast Guard lalo na sa mga maliliit na sasakyang pandagat na mag doble ingat ngayong nasa panahon ng amihan.
Madalas kasing nagkakaroon ng sama ng panahon sa mga panahong ito at kadalasang dumadaan ang mga bagyo sa lalawigan.
Sa ngayon ay mayroong isang mangingisda mula sa Mercedes ang hindi pa rin nakakauwi eksaktong isang linggo ngayong araw matapos itong pumalaot.
