Nag-isyu ng apology ang pamunuan Globe matapos mag-down ang kanilang registration portal sa unang araw ng pagapapatala ng kanilang mga users para sa SIM Card Registration Act.
Sa isang pahayag, sinabi ng Globe na inabisuhan na nila ang National Telecommunications Commission (NTC) ng mga naranasan nilang aberya, at humingi rin sila ng 72 oras mula sa tanggapan para i-observe ang kanilang portal.
Tiniyak naman ng Globe na tatanggapin nila ang lahat ng mga penalty na maaaring ipataw sa kanila.
Para naman sa SMART-PLDT, sinabi ng kanilang Corporate Communications Officer na si First Vice president Cathy Yang na matututo na sila sa mga feedback ng kanilang mga users.
Matatandaaang naging temporary unavailable din ang kanilang registration portal kahapon matapos ang buhos ng mga subscribers na nagpatala ng kanilang numero.
Ipinagmalaki naman ni DITO Chief Administrative Officer Adel Tamano na naging ‘smooth’ ang kanilang registration lalo na’t nag-‘overprepare’ daw sila.
Sa ngayon, umakhat na sa mahigit 430,000 na mga DITO users ang nakapagpa-register sa kanila.
NTC – naglatag ng deadline
Nagbigay naman ng deadline ang National Telecommunications Commission (NTC) sa DITO, Globe at SMART-PLDT ng hanggang ngayong araw para parpaliwanagin sa mga aberyang naranasan ng users sa unang araw implementasyon ng SIM Card Registration Act kahapon.
Sa isang memo, inatasan ng NTC ang tatlong telco companies na magsumite ng reports hingigl sa mga isyu at glitches na naranasan ng kanilang mga users kasabay ng pagdagsa ng mga nagpatala ng kani-kanilang mga numero.

Ayon kay NTC Deputy Commissioner Ella Blanca Lopez, kailangang malaman kung saan nagkulang ang mga telcos, kung ilan ang mga naapektuhang subscribers, at kung anu-ano pa ang mga hakbang na kailangan nilang gawin para hindi na maulit pa ang ganitong aberya.
SIM Card registration hubs sa mga remote areas
Pinatitiyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mayroong paraan ang mga telco companies para masigurong makakapag-register pa rin ang kanilang mga users na hirap sa access sa internet.
Ayon kay DICT Usec. Anna Mae Lamentillo, sa loob ng 60 na araw ay dapat nakapag-set up na ang mga telco companies ng mga registration hubs sa mga remote areas.
Sa ganitong paraan, kahit na walang internet ang ilang mga lugar ay makakapagpatala pa rin ang mga users nito ng kani-kanilang mga numero.
Bago ito, una nang sinabi ni Crisanto na magkakaroon sila ng mga special assistance hub sa Pebrero para naman sa mga hindi ‘high-tech’ ang mga cellphone.
Kabilang dito ang mga phones na hindi internet-ready kaya hindi makabibisita sa mga registration websites.
Sa kabuoan, tinatayang aabot sa 150 million SIM Cards ang inaasaahang mare-register sa loob ng 180 araw na registration period.
#
