TD Emong, LPA, at ‘habagat’ magdadala ng pag-ulan, thunderstorms sa PH

Asahang uulanin ang ilang bahagi ng bansa dahil sa Tropical Depression Emong, low pressure area, at sa southwest monsoon.

Ayon sa Pagasa, ang Batanes at Babuyan Islands ay uulanin na may kasamang pabugso-bugsong hangin dahil sa Emong.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 215 km sa silangan hilagang silangan ng Calayan, Cagayan, habang kumikilos sa hilagang kanluran sa bilis na 45 kph.

Read More:  PGMN host CJ Hirro named person of interest in alleged ₱350M extortion case

Taglay nito ang lakas ng hangin na 55 kph at may pagbugsong umaabot sa 70 kph.

Nakataas naman ang tropical cyclone wind signal number one (1) sa Batanes at northeastern portion ng Cagayan, kasama na ang Babuyan Islands.

Ang tropical depression, kasama ang trough ng low pressure area ay magdadala rin ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Ilocos Region, Apayao, at ibang bahagi ng Cagayan.

Read More:  Comelec says it is 95% ready for the BSKE

Samantala, ang southwest monsoon naman ay magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Visayas, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, at Zambales.

Ang ibang bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan may kasamang isolated rainshowers dahil sa localized thunderstorms. // MHEL PACIA-TRINIDAD