Patay ang tatlong habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos umanong araruhin ng isang sports utility vehicle na minamaneho ng isang SK councilor sa Barangay Road sa Valladolid, sa lungsod ng Carcar, Cebu.
Kinilala ang mga nasawi na sina Klaudet Powao Tobilla, 22-anyos; Ian Flores, 21-anyos, at si Ronel Medina, 23-anyos.
Habang sugatan naman sina Alison Jose Santos; Axel Dela Cerna, at Trisia Nicole Monter.
Ang SUV ay minamaneho naman ‘di umano ng SK councilor na si Rob Joseph Orias.
Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng Carcar City Police Station, lumabas na bago pa nangyari ang trahedya, unang nagbangaan ang dalawang motorsiklo nila Flores at Santos.
Sinasabing dumaan ang motor na sinakyan naman ni Monter at huminto ito upang tumulong ngunit habang tinutulungan ang mga biktima, bigla na lang silang inararu ng SUV na minamaneho ni Orias.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang mga biktima at agad pa sana silang dinala sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklara na dead on arrival sina Tobilla, Flores at Medina.
Nasa kustudiya naman ng Carcar City Police Station si Orias na nakatakdang sampahan ng patong patong na kaso. (WITH REPORTS FROM AIRES ATUEL-DEPOSITARIO – 90.7 BNFM CEBU)