Mahigpit na ipatutupad ng bagong pamunuan ng National Capital Region Police Office ang “Tamang Bihis” Policy sa mga pulis sa Metro Manila.
Batay sa kautusan ni NCRPO Director MGen. Sydney Hernia, mahigpit na ipagbabawal ang pagsusuot ng jacket habang naka official uniform ang mga pulis habang nasa duty, papunta sa trabaho, o pauwi.
Layon ng patakarang ito na masigurong madaling makilala ng publiko ang mga pulis, lalo na sa mga emergency situations.
Naniniwala kasi si Hernia na ang pagsusuot ng tamang uniporme ay epektibong hakbang sa kanilang Anti-Criminality Campaign upang maiwasan ang krimen at bahagi ng Internal Police Reform para mapatibay ang kanilang disiplina at pagsunod sa mga pamantayan ng PNP.
Mapapanatili rin nito ang propesyunalismo at disiplina sa hanay ng PNP.