LEGAZPI CITY – Itinatag ng Albay Provincial Police Office ang bagong Special Weapons and Tactics (SWAT) Motorcycle Mountain Police Unit sa lalawigan.
Ayon kay Provincial Director, PCol. Fernando L. Cunanan Jr., ito ay may 15 miyembro na naglalayong mabawasan at malabanan ang kriminalidad lalo na ang robbery at theft na laganap sa lalawigan, partikular sa Legazpi City at Daraga.
Aniya, paraan din ito upang mas mapadalas ang presensya ng otoridad sa kalsada upang mabilis na makatugon sa mga hindi inaasahang mga insidente.
Dagdag pa niya, bawat miyembro ay sinanay sa mga high-risk situation, kung saan kaya nitong makapagbigay ng seguridad at tulong sa anumang uri ng krimen.
Kasabay sa paglunsad ng grupo ang pag-turnover ng 4 na motorcycle units na maaaring magamit.
Isa sa mga nanguna dito ay si APSEMO head, Dr. Cedric Daep, at ayon sa kanya may isa pang isasagawang turnover, at 4 na 500 CC motorcycle units ang muling ibibigay.
Inaasahang magiging aktibo sa kalsada ang nasabing grupo upang mas matiyak ang kaayusan at kapayapaan.