NAGA CITY- Isa ang nalagas sa hanay ng Philippine Army sa engkwentro sa paggunita ng Araw ng Kalayaan sa Pasacao Camarines Sur.
Bandang ala-una ng hapon nitong Hunyo 12, 2021 habang nagsasagawa ng combat operation ang tropa ni 1Lt. Brylle Kay Iglesia, Company Commander ng Bravo Company sa bulubunduking bahagi ng Barangay Salvacion nakasagupa ang hindi pa matukoy na bilang ng hinihinalang mga rebelde.
Umabot sa 5-minuto ang palitan ng putok ayon sa ulat ng PNP- Pasacao. Tumakas ang mga rebelde patungo sa direksyon ng Tinalmud. Nasawi si Sergeant Norley Bare y Martinez, 38-anyos, may asawa, naka destino sa Bravo Company, 96IB-PA sa nasabing bayan at residente ng Sta. Elena Camarines Norte.
Nagtamo ito ng tama sa likod, dinala sa isang pribadong ospital sa Naga subalit ideneklarang dead on arrival ng sumuring doktor bandang alas-4 ng hapon.
Nagkaroon na ng Checkpoint at Chokepoint sa naturang bayan.
Wala pang opisyal na ulat ang 9th Infantry Division Philippine Army ukol dito.