Binigyang diin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na dapat ay maisama sa blacklist ang mga kompanya na bigo sa pagbabayad ng buwis.
Kasama sa mga pinapa-ban ng senador ay ang state-owned firm ng China na nakakuha ng P2-billion na halaga ng mga kontrata para sa pag-supply ng personal protective equipment sa Pilipinas.
Iginiit ni Drilon na dapat ay ma-ban kaagad ang Xuzhou Construction Machinery Group, at i-hold ang lahat ng pending collectibles nito sa Department of Budget and Management Procurement Service.
Ipinunto ng senador na bukod sa hindi pagbabayad ng income taxes at iba pang buwis ay malinaw na nagkaroon ng mga paglabag ang Xuzhou sa National Internal Revenue Code (NIRC).
