Isinailalim na ang buong Sri Lanka sa Lockdown matapos itong i-apelaa ng medical experts dahil sa pagkakapuno ng mga ospital, morgue at crematoriums nito dahil sa mga COVID-19 cases.
Pumayag si President Gotabaya Rajapaksa, na dati nang tumanggi sa lockdown, na isara ang buong bansa sa loob ng 10 araw.
Sinabi ng Ministry of Health ng Sri Lanka na ipatutupad ang nationwide lockdown mula August 20-30.

Mababatid na naitala sa Sri Lanka ang pinakamataas nitong daily death toll na umabot sa 186 at 3,800 na bagong infections.
Base sa datos ng gobyerno ng Sri Lanka ay umabot na ang kabuoang bilang ng mga nasawi sa COVID-19 sa 6,790 habang nasa 373,165 naman ang tinamaan nito.
Gayunman, inihayag ng independent health experts na posibleng doble ang totoong bilang ng mga nahawaan at nasawi kung ikukumpara sa tala ng kanilang gobyerno.
Una nang sinabi ni health minister Keheliya Rambukwella ilang araw na ang nakararaan na hindi pa kailangan ng kanilang bansa ang lockdown, na maituturing na last resort, dahil hindi pa naman nila nararating ang “critical stage”.