Kinumpirma ni Senate President Chiz Escudero na bahagya na silang nagkausap ni dating Philippine National Police (PNP) chief, Senador Ronald Bato Dela Rosa hinggil sa umuugong na balitang pagsisilbi ng arrest order ng International Criminal Court (ICC) sa bansa.
Kasunod ito sa sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na nakakuha na ng sapat na ebidensya ang ICC nitong nakarang Disyembre kung kaya nalalapit na ang pag-iisyu ng warrant of arrest kay dating pangulong Duterte, Dela Rosa at iba pang sangkot sa naging madugong war on drugs.
Ayon kay Escudero, hindi na bago ang sitwasyong ito dahil nangyari na ito noon kina dating Senador Juan Ponce Enrile, Senadora Leila De Lima at Trillanes.
Kaya kung mangyari man ito muli sa sitwasyon ni Dela Rosa, susundin na lang umano nina Escudero sa institusyon ang ginawa dati.
Ibig sabihin, hindi nila papayagan ang pag-aresto sa loob ng sesyon at maging loob ng Senado dahil maari nitong alisin o pababain ang integridad at dangal ng kanilang institusyon.
Sa ngayon, patuloy pa ring pinag-aaralan ng liderato ng Senado kung paano nila ito aaksyunan o hahawakan kung sakaling mangyari man ito.