SORSOGON CITY – Kinilala ang Sorsogon bilang isa sa mga lugar na kakikitaan ng may masiglang habitat ng waterbirds sa Bicol region.
Ayon sa katatapos lang na Asian Waterbirds Census (AWC), sa 13K na waterbirds na nakita sa buong Bicol, isa ang Prieto-Diaz wetlands, sa mga bayan sa Sorsogon, ang nakitaan ng ilang species ng ibon.
Mahalaga umano ang sightings ng naturang avifauna dahil nagpapahiwatig ito ng malusog na ecosystem ng lugar, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ilan sa mga namataang uri ng mga ibon ang Philippine duck, common pochard, at Chinese egret, na kinokonsiderang mga vulnerable species.
Nakita rin sa nasabing census ang mga near-threatened species, gaya ng red-necked stint, grey-tailed tatler, at Eurasian curlew. Pagdidiin naman ng ahensya, mahalaga na malaman ng publiko ang kahalagahan ng pagpo-protekta ng kalikasan at wildlife species, na syang ipinag-uutos ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
