SORSOGON CITY – Sinimulan na ngayong araw, Disyembre 29 ng Commission on Elections (COMELEC) ang ‘mock elections’ na idinaos sa iba’t-ibang bahagi ng bansa bilang paghahanda sa 2022 national at local elections.
Kinumpirma sa Brigada News ng Provincial Comelec Officer ng Sorsogon na si Atty Calixto Aquino na hindi napabilang ang lalawigan sa pagdarausan ng nasabing aktibidad.
Sa Bicol region, ang lalawigan ng Albay ang napabilang sa mock elections na ginanap sa Albay Central School sa lungsod ng Legazpi.

Paliwanag ng Komisyon, ang pagpili sa lugar o probinsya na pagdarausan ng aktibidad ay ‘random’ na pinili lamang.
Bagama’t may itinalagang maximum average ng voters sa bawat precinct, hindi naman inaasahan ng Comelec ang malaking turn out ng boto dahil na rin sa kaugalian ng mga Pinoy na hindi interesado sa ganitong aktibidad kapag hindi tunay na eleksyon.
Dagdag pa ng Komisyon, fictitious ang pangalan na nakalagay sa test ballots at hindi ang tentative list ng mga kandidato.
Ang ‘mock elections’ ay naglalayong makita kung papaano ang magiging performance ng sistema ng halalan.
Samantala, sa Enero 7 inaasahan ng poll body na mailalabas ang pinal na listahan ng mga opisyal na kandidato sa eleksyon. Target naman ng Comelec na mauumpisahan ang pag-imprenta ng balota sa Enero 15.