Kumbinsido si House Ways and Means Committee Chairman at Albay Second District Representative Joey Salceda na bigas ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno sa kasalukuyan upang mapahupa ang inflation sa bansa.
Tugon ito ni Salceda matapos iulat ng Philippine Statistics Authority na sumipa sa 3.4 percent ang headline inflation rate nitong buwan ng Pebrero na mas mataas kumpara sa 2.8 percent noong Enero.
Ayon kay Salceda, kung titingnan ay bumaba na ang presyo ng gulay, mais, asukal at utility bills habang ang inflation sa bigas ay tumaas sa 23.7 percent year-on-year.
Hindi umano solusyon sa ngayon ang pag-angkat ng mas marami lalo’t ang unang panahon ng anihan sa taong 2024 ay darating na sa Abril.
Para kay Salceda na isang ekonomista, dapat tiyakin ng Department of Agriculture na handa na ang post-harvest support ngayong buwan dahil nasa 12 hanggang 15 percent ang naitalang lugi rito.
“Crucial” aniya ang susunod na tatlumpung araw kaya kailangan din na siguruhing matutugunan na ang logistics issues sa pantalan, farm-to-market roads at iba pang balakid sa suplay.
Naniniwala naman ang kongresista pagsapit ng Hunyo ay magiging stable na ang presyo ng bigas dahil posibleng humupa na ang “political pressure” ukol sa rice export ban sa India pagsapit ng nakatakdang eleksyon doon.