Pinuna ni Cagayan De Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang di umano pag-aksyon ng ilang opisyal ng gobyerno sa pagtugon sa pagsipa ng COVID-19 cases sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa mambabatas, ang kakulangan sa allocated vaccines ang problema ng Cagayan de Oro at iba pang lugar na mayroong mataas na COVID-19 cases at deaths na karamihan ay nasa Mindanao at Visayas.
Aniya, dahil sa di pag-aksyon nina Health Secretary Francisco Duque, Cabinet Secretary Karlo Nograles, at vaccine czar Secretary Carlito Galvez sa mga lugar na may mataas na COVID-19 cases kaya hirap ngayon ang mga high-risk areas sa mga nabanggit na rehiyon.
Giit ng kongresista, dapat ay iprayoridad ng national government at ire-allocate ang vaccine supply sa mga lugar na nakakaranas ng mataas na COVID-19 cases at di sa Metro Manila lamang.
Dagdag ng mambabatas, nasa full capacity na ang mga ospital sa Cagayan de Oro at nasa 20 katao na ang wait list ng mga private hospitals.
Mababatid na kahapon, iginiit ni Rodriguez na si Galvez ang kanyang sisisihin sa pagkamatay ng mga coronavirus patients sa kanyang lungsod dahil dalawang beses na umano syang sumulat sa IATF at kay Galvez noong Mayo pa lamang para humiling na dagdagan ang vaccine supply para sa Cagayan de Oro pero di umano sya nakatanggap ng reply.
Isa ang Cagayan de Oro sa areas of concern na tinukoy ng OCTA Research Group kung saan mayroon nang 8,836 total COVID-19 cases, at 388 mga namamatay.

