KORONADAL CITY- TUMAAS na ang presyo ng medical oxygen sa lalawigan ng South Cotabato dahil sa patuloy na pagtaas ng demand nito dulot ng COVID 19 pandemic.
Ayon kay Dr. Conrado Braña, chief ng South Cotabato Provincial Hospital na mula sa dating P 400 pesos, ito ngayon ay mabibili na sa halagang P 950.
Dagdag pa ni Braña na nanghihingi na rin ngayon ang mga nagbebenta o supplier ng deposito na P7,000 sa bawat tanke upang masiguro na ito ay maibalik at mapanatili ang sirkulasyon ng mga oxygen tanks sa lalawigan.
Kaugnay nito, hihilingin aniya ng provincial government sa mga supplier na i-waive na lamang ang deposit kung ang bibili at gagamit ng oxygen tanks ay mga ospital.
Samantala, upang masiguro ang sapat na supply ng oxygen sa lalawigan, inihayag ni Braña na kinokonsidera na ng provincial government ang pagpapatayo ng oxygen generating plant.
Ito ay posibleng maisama sa susunod na supplemental budget.
Sa region 12, nakapending pa ang license to operate ng oxygen generating plant sa General Santos City, Sultan Kudarat at Saranggani.
Dahil sa pagtaas ng COVID 19 cases bunsod ng Delta variant, tumaas din ang demand ng oxygen lalo na sa mga ospital.
Ngunit sa ngayon, inihayag ni Braña na wala pang dapat ipag-alala ang mga pasyente sa provincial hospital dahil mayroon pa itong sapat na supply ng oxygen.
