KORONADAL CITY- UMABOT na sa 1,148 na mga empleyado ang na-hire ng provincial government ng South Cotabato bilang suporta sa free education program.
Ayon kay Provincial Administrator Atty. Renette Bergado na nakapag-hire na ang probinsya ng 518 na mga provincial school board o PSB teachers, 239 school guards, 274 utility workers at 117 school clerks.
Ang mga ito ayon kay Bergado ay idineploy sa iba’t ibang mga public schools sa South Cotabato.
Ang pondo sa sweldo ng mga ito ay mula sa Special Education Fund o SEF at General Fund.
Inihayag ni Bergado na sa pamamagitan nito, maipapatupad ang “no collection policy” sa mga public schools sa lalawigan.
Maliban dito, nagbibigay din ang probinsya ng cash assistance sa mga paaralan.
