Tiniyak ng SM City Cauayan ang kaligtasan ng mga registrant na magtutungo sa mall para sa isinasagawang Step 2 registration ng National ID na nagsimula na ngayong araw.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay SM City Cauayan Public Relations Manager Krystal Gayle Agbulig, nakadeploy na ang security team ng mall upang matiyak na nasusunod ang health and safety protocols sa isinasagawang registration.
Aniya, maging ang mga sanitation team ng SM City Cauayan ay nakahanda na rin para sa pagsasagawa ng disinfection sa mga kagamitan ng Philippine System na nakalatag sa registration site.
Kaugnay nito, nakaalerto rin ang mga safety protocol officer upang tiyakin na nasusunod ang physical distancing at maiwasan ang kumpulan ng tao.
Ayon pa ka PR Manager Agbulig, batay sa kanilang pag-uusap ng PSA Isabela ay magtatagal ng 3 buwan ang step 2 registration sa lunsod kung saan bukas ito ng Lunes hanngang Biyernes.
Batay naman sa kaniyang obserbasyon sa unang araw ng registration, naging maayos naman ang aktibidad dahil sa maayos na preparasyon at sistema ng PSA Isabela katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Cauayan kung saan mga may stab at schedule lamang ang nagtutungo rito.
Mayroon din umanong special lane na nakalatag para sa mga senior citizen at PWDs na registrants.
Samantala, dahil alas 8:00 ng umaga nagsisimula ang registration ay mga may stab lamang at schedule mula philsys ang pinapapasok ng mga security guard upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.