Itinaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal number 2 sa 16 na lugar sa Luzon habang patuloy na gumagalaw ang Jolina papunta sa kanluran hilagang-kanlurang direksyon sa Sibuyan Sea papuntang Banton Island Area.
Base sa huling Severe Weather Bulletin ng PAGASA ay huling namataan ang sentro ng Jolina sa layong 50 kilometers hilaga hilagang-kanluran ng Romblon, Romblon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na pumapalo sa 100 kph malapit sa gitna at pagbugso na umaabot sa 125 kph.
Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng signal number 2 ay ang Romblon, northwestern portion ng Masbate kabilang na ang Burias Island, Marinduque, western section ng Camarines Sur, northern at central portions ng Oriental Mindoro, northern portion ng Occidental Mindoro kabilang na ang Lubang Islands, Quezon kabilang na ang Polillo Islands, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Bataan, at southern portion ng Zambales.
Nakataas naman ang signal number 1 sa ilang bahagi ng Luzon kabilang na sa La Union, southern portion ng Benguet, southern portion ng Nueva Vizcaya, southern portion ng Quirino, southern portion ng Aurora, Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, nalalabing bahagi ng Zambales, Camarines Norte, nalalabing bahagi ng Camarines Sur, Albay, Sorsogon, southwestern at central portions ng Masbate kabilang na ang Ticao Islands, nalalabing bahagi ng Oriental Mindoro, at nalalabing bahagi ng Occidental Mindoro.

Signal number 1 rin sa ilang bahagi ng Visayas kasama na ang northwestern portion ng Antique, Aklan, Capiz, at northeastern portion ng Iloilo.
Nagbabala ang PAGASA na mararanasan ang heavy hanggang intense, at kung minsan, torrential rains sa Masbate, Romblon, Marinduque, Quezon, Batangas, at Laguna.
Sinabi din ng PAGASA na asahan na ang moderate to heavy, at kung minsan, ay intense rains sa Metro Manila, Aurora, Bulacan, Cavite, Rizal, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, northern Palawan, at nalalabing bahagi ng Bicol Region, at Western Visayas.
Ayon sa PAGASA, sa ilalim ng mga nasabing kondisyon ay asahan na ang malawakang pagbaha at landslides sa mga apektadong lugar.
Dagdag ng weather bureau, posible rin maranasan ang mapaminsalang hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng tropical cyclone wind signal number 2.
Posible rin maranasan ang pabugso-bugsong hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng tropical cyclone wind signal number 1.