Japan—Dahil sa nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng mga bansang Russia at Ukraine, patuloy din na nararanasan ang fuel at food crisis sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Dahil dito, marami ang nagagalit sa pinuno ng Russia na si Vladimir Putin sapagkat naniniwala silang si Putin ang nagsimula ng giyera sa dalawang nasabing bansa at ang galit na iyon ay humantong sa paghihiganti.
Sa bansang Japan, isang senior citizen na nagngangalang Mitsunobu Hino ang inaresto ng mga otoridad matapos itong madakip sa pamamagitan ng CCTV na nagsasagawa ng ritwal o “kulam” laban kay Russian President Vladimir Putin.
Nadiskubre ng mga otoridad sa Mikazuki Temple sa Matsudo, Chiba prefecture sa Japan ang tinatawag na “Wara Ningyo” o manikang pangkulam na nakapako sa sagradong templo na may nakadikit na litrato ni Putin.
Bukod pa rito, iniwan rin ni Hino sa loob ng templo ang kanyang mga vandalism sa mga punong nasa loob ng sagradong lugar, na naging dahilan upang magalit ang mga monghe.
Batay sa matatandang paniniwala sa Japan, ginagamit ang Wara Ningyo para sa ritwal na pangkukulam. Dinidikitan ang Wara Ningyo ng litrato ng taong nais kulamin at ipinapako ito sa puno ng matatagpuan sa templo.
Simula pa nitong May 2022, ang mga puno sa iba’t ibang templo sa bayan ng Matsudo ay may 10 nakapakong na Vladimir Putin Wara Ningyo.### BERLYN VILLACRUZ, Intern