Kinwestyon ni Senate Committee on Public Services, Chairperson, Senador Raffy Tulfo ang Department of Transportation (DOTr) kung maari pa ba nilang palawigin ang oras ng operasyon ng mga train station sa bansa.
Ayon kay Tulfo, ‘di tulad sa ibang bansa na umaabot hanggang ala una ng madaling araw ang train services, sa Pilipinas ay hanggang alas diyes lang ito ng gabi na siyang nagpapahirap naman sa ilang commuters na nag-overtime sa kanilang trabaho.
Kaugnay nito, nanawagan ang senador sa DOTr na palawigin pa ito at bilang tugon tiniyak ni DOTr Railway Sector, Assistant Jorjette Aquino na pag-aaralan nila ang pagpapaiksi sa oras ng maintenance.
Base kase kay Aquino, matapos ang mga operasyon sa mga train station ay diretso na sa maintenance ng 12am hanggang 2:30am upang makahabol sa pagbabalik ng operasyon ng 4:30am.
Bagamat tila sakto lang ang oras na laan sa maintenance ay pag-aaralin pa rin umano nila Aquino ito at susubukan nilang makapagsumite ng rekomendasyon sa komite sa loob ng buwan ng Agosto at kung feasible ito ay agad nilang ipapatupad.