Wala pa rin umanong nakikitang pagbabago si Senador Joel Villanueva sa problemang nararanasan ng bansa sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) mula pa noong unang taon niya sa Senado.
Anya, tulad ng dati, talamak pa rin ang mga ilegal na operasyon ng POGO kung saan marami rin dito ang nasasangkot sa iba’t ibang krimen tulad ng kidnapping, prostitusyon, scamming at money laundering.
Kaugnay nito, ngayong Araw ng Kalayaan ay umapela siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-total ban na ang POGO sa bansa.
Ani Villanueva, maganda kung maipagdidiwang ang araw na ito sa pamamagitan ng pagdeklara na malaya na ang bansa sa anumang tanikala ng pagsusugal at kaparehong masamang epekto.
Maalala, kamakailan ay may muling ni-raid na POGO hub ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Porac, Pampanga kung saan may natuklasan silang torture chamber dito at maging uniform ng chinese military.