Suportado ni Senador Bong Go ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Health (DOH) na siguruhing agad na maibibigay ang benepisyo para sa mga health workers.
Binigyang diin ni Go, chairman ng Senate Commitee on Health, na ang mga health workers ang nasa frontlines ng gyera kontra COVID-19 kaya di na dapat mag-aksaya ng panahon at ibigay na ang benefits ng mga medical frontliners.
Aniya, sinasakripisyo ng mga health workers ang kanilang buhay para magsalba ng buhay ng iba kaya nararapat lang na wag sayangin ang resources na para sa mga ito.
Mababatid na sa late-night talk ng pangulo kahapon, hiniling nito kay Health Secretary Francisco Duque III na tiyaking nananatiling top priority ang allowances ng healthcare workers.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 law, nasa P15 bilyon ang inilaan para sa special risk allowance at hazard pay ng healthcare workers na ini-release na sa mga ospital.
Sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na P10.8 bilyon ang nagastos para sa SRA ng 740,958 health workers, at karagdagang P4.24 bilyon para sa hazard pay ng 864,843 frontliners.
