Inamin ni Senate President Chiz Escudero na nakakaalarma ang nabubuong tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Alinsunod nito, hihingi umano ng ‘full briefing’ mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang Senado hinggil sa kamakailang insidente sa WPS partikular na sa Ayungin Shoal.
Ito ay matapos maiulat ang pagsampa ng Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng Pilipinas at pagtamo ng matinding sugat ng ilang tauhang Pilipino roon.
Anya, layunin din nilang malaman ang mga aksyon ng DFA sa pagresolba rito.
Samantala, hiniling din niya sa mga ito na maghanap pa ng ibang mapayapang paraan maliban sa paghahain lang ng diplomatic protest upang hindi na mapainit pa ang tensyon sa Beijing.
Maliban pa roon, nanawagan siya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na maghanap pa ng ibang alternatibong paraan upang maipahatid ang mga suplay para sa mga tauhan ng Pilipino sa Sierra Madre sa Ayungin Shoal nang hindi na napapatindi ang tensyon.