LEGAZPI CITY – Kamakailan ay personal na bumisita si Senator Bong Go sa lalawigan ng Albay partikular sa Tabaco City upang inspeksyonin ang super health facility ng nasabing lunsod, at sa bayan ng Malilipot upang puntahan ang mga evacuees na naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa pagbisita ng senador, sinabi nito na ang nasabing pasilidad ay isang pamamaraan upang mailapit ang serbisyo-medikal sa mga residente.
Aniya, madi-decongest ang mga ospital sapagkat hindi na kakailanganin pa ng mga buntis na pumunta sa ospital, dahil tinatanggap na ang primary care sa nasabing pasilidad.
Pagkatapos naman sa Tabaco City, pinuntahan naman ni Go ang mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng bulkan sa Malilipot.
Personal na iniabot ng senador ang tulong tulad ng mga relief goods para sa mga evacuees na nasa evacuation center.
Samantala, hinihikayat naman ni Go ang Department of Health na ipagpatuloy ang pagbibigay-asistensya at pagmo-monitor sa mga evacuees sa gitna ng banta ng bulkan.