Naniniwala si dating Senate Committee on Accounts, chairperson, Senadora Nancy Binay na mahalagang magkaroon ng komunikasyon o pag-uusap sa panig nila at maging ng bagong liderato ng Senado.
Ito ay hinggil sa kamakailang binanggit ni Senate President Chiz Escudero na karagdagang P23 bilyon na pondong kinakailangan sa bagong gusali ng Senado upang ito ay tuluyan nang matapos.
Anya, sa ngayon, hindi siya makasagot sa mga binabatong halaga dahil hindi umano niya alam kung saan nanggaling ang mga ito.
Alinsunod nito, pinaplano umano niyang ibakante ang kanyang iskedyul ngayong linggo upang makausap sina bagong Senate Committee on Accounts, Chairperson, Senador Alan Cayetano, dating senador Ping Lacson at maging si Escudero.
Samantala, handa naman din umano ang senadora na makipag-usap kay Cayetano sa harap ng media para sa transparency at upang marinig din ng sambayanang Pilipino ang mga kasagutan sa mga binabatong halaga.
Maalala, ayon sa inilabas na overall budget para sa gusali ng Senado, nasa P8.9 bilyon ang nakalaang pondo para sa phase 1 habang nasa P2.5 bilyon at P10.33 bilyon naman para sa phase 2 at 3.