BICOL – NAGING mapayapa sa pangkalahatan ang pagdiriwang ng Pasko sa kabikulan, ayon mismo ng pamunuan ng Police Regional Office 5 o PNP-Bicol.
Wala umanong naitalang anumang “unusual” o major untoward incidents ng Christmas eve hanggang sa mismong araw ng pasko.
Ayon kay Regional Director Police Brig. Gen. Jonnel Estomo, resulta umano ito ng pinalakas na police force sa mga komunidad at deployment ng karagdagang tauhan sa mga simbahan bilang paghahanda sa dagsa ng mga taong magsisimba.
Kasama rin umano sa pinaigting ng PNP-Bicol ang kanilang police at mobile visibility patrol sa mga terminals bilaang pag alalay sa mga pasaherong humabol na makauwi habang Christmas break.
Nananatili rin umano sa full alert status ang kanilang hanay at bago pa nga sumapit ang kapaskuhan ay matagumpay na nailunsad ang Reactionary Standby-Support Force-“Ligtas Paskuhan” program.
Sa kabila nito, sinabi ni Estomo na hindi dapat makampante at kailangan pa rin ng “extra effort” upang matiyak ang mapayapang pagdiriwang ng holiday season.
Panawagan sa mga kabaro, panatilihin ang maalab na dedikasyon sa trabaho kasabay ang pasasalamat sa publiko para sa patuloy na kooperasyon at suporta.