Sasakyang na-carnap sa Taytay, Rizal nabawi sa Matnog, Sorsogon

SORSOGON CITY – Narekober na ng mga alisto at masigasig na personahe ng Matnog Police ang ninakaw na pick-up sa Taytay, Rizal.

Narekober ang sasakyan ni Vicente Sarabia Amper Jr., 46-anyos, may asawa, negosyante at residente ng Sagkahan, Tacloban City sa Matnog Port sa Brgy Caloocan, gabi noong Biyernes.

Kinilala ang suspek na si Larry Amistoso Bentulan, 60-anyos, naninirahan sa Brgy Salvacion, Tacloban City.

Sa impormasyon na ibinahagi sa Brigada News FM-Sorsogon ng DCOP ng Matnog na si PLt Jose Destacamento, sinabi nito na nakatanggap umano sila ng ‘be on lookout’ (BOLO) flash alarm mula sa Taytay Municipal Police Station tungkol sa behikulong kinarnap na posibleng idaan sa nasabing pantalan.

Read More:  Rider dies after crashing into trailer truck in Davao City

Agad na nagsagawa ng checkpoint ang Matnog Police katuwang ang 2nd Provl Mobile Force Company, 22nd Infantry Battalion at PCG-Matnog Port.

Dakong alas 8:45 ng gabi ay naflag-down nila ang isang kulay orange Ford Ranger Pick-Up kung saan ang plate number, chassis number at iba pang detalye ng behikulo ay tugma lahat sa nasabing carnapped vehicle.

Sa ekslusibong panayam ng Brigada News sa imbestigador na si Pat. Daryll Jay Data ng Taytay Municipal Police Station, sinabi nito na ang suspek na si Bentulan ay bagong hired na family driver ng biktima.

Read More:  Two die after minivan crashes into house in Cebu

Naiulat sa kanilang himpilan ang nakarnap na behikulo gabi noong Huwebes, Setyembre 2. Tinatawagan umano ng biktima ang cellphone ng kanilang driver subalit hindi na ito makontak, kung kaya’t nagdesisyon sila na e-report na sa pulisya ang pagnanakaw ng kanilang behikulo.

Ayon pa kay Patrolman Data, nakalatag na ang plano nilang pagsundo sa suspek at sa behikulo sa Matnog, hinihintay na lang nila ang ‘go signal’ ng kanilang chief of police.

PHOTOS: exclusive for Brigada News FM-Sorsogon