Nanindigan si Senate Minority Leader Koko Pimentel na marami pang mga katanungan ang dapat masagot bago ituloy ang pagtatag ng sariling Maharlika Investment Fund (MIF) ng Pilipinas.
Ito ay makaraang makalusot na kahapon sa isang panel ng Kamara ang pagbuo sa naturang sovereign wealth fund.
Sa isang pahayag, sinabi ni Pimentel na dapat munang matiyak kung saan manggagaling ang seed money na ilalaan sa naturang pondo.
Dapat din umanong malaman kung sino o anong institusyon ang magma-manage ng wealth fund.
Wala namang pagtutol para rito si Senador Chiz Escudero dahil mayroon na ring mga wealth funds ang iba pang mga bansa kagaya na lamang ng ‘Temasek Holdings’ ng Singapore.

Tiniyak ni Escudero na susuriin nilang mabuti ang panukala para masigurong masusunod ang mga best practices ng Singapore, at maiiwasan naman ang mga pagkakamali kagaya na lamang ng nangyari sa ‘1Malaysia Development Berhad’.
Sa huli, sinabi ni Senate President Migz Zubiri na aaralin nilang mabuti ang panukala para malaman kung necessary pa ba ang pagtatatag nito.
Dapat din umanong magkaroon ng karampatang safeguards ang pondo para hindi ito magiging pugad ng kurapsyon.
Siniguro rin ni Zubiri na ilalatag ang mga hakbang para maging transparent at efficient ang paggamit sa pondo sa oras na ito ay lumusot sa Senado.
#