Binigyang diin ni Presidential spokesperson Harry Roque na walang patunay na nauugnay si Pangulong Rodrigo Duterte sa vigilante killings sa kanyang hometown na pinamumunuan ng Davao Death Squad (DDS).
Una na kasing iginiit sa pre-trial chamber ng International Criminal Court na nakita nilang may ugnayan sa pagitan ng patayan sa Davao City bago ang 2016 at ang nationwide war on illegal drugs ni Duterte.
Ayon kay Roque, inimbestigahan niya ang Davao Death Squad, at masasabi umano niyang bagama’t umiiral ang Davao Death Squad, walang ebidensya na magkokonekta sa pangulo sa DDS.
Kaugnay nito, minaliit rin ng kalihim ang naunang claims ng self-confessed DDS members na si Arturo Lascañas at Edgar Matobato kaugnay sa umano’y utos ni Duterte na pagpapapatay sa Davao.

Samantala, paulit-ulit nang sinasabi ni Roque na hindi uusad ang imbestigasyon ng ICC laban sa war on drugs ng Duterte administration, dahil hindi makikipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas.